Ang Napangasawang Ibong Tagak

Nilikha ni Natsuko Hama
Isinalarawan ni Yohei Yokoyama

1.

Noong unang panahon, may isang binatang naninirahan sa isang baryo sa may kabundukan.

2.

“Sige, pupunta ako sa bundok at magpuputol ng kahoy.”
Pagkasambit ng binata sa kanyang sarili ay may bigla siyang narinig na tunog ng pagaspas.
Pak! Pak! Pak!
At may nahulog na isang bagay na puti, mula sa langit.

3.

“Ay, ito ay isang ibong tagak. Kawawa naman. May nakatusok na palaso. Tingnan ko at tutulungan kita.”
Hinugot ng binata ang palaso, at hinugasan niya ang sugat sa malinis na tubig ng ilog.

4.

“Ayan, lumipad ka na at umuwi ka na sa langit,” saad ng binata.
Binuhat ng lalaki ang tagak at itinaas niya ito patungo sa langit.
At ito ay lumipad nang mahusay at masigla.

5.

Lumipas ang ilang araw, at sa isang gabi, may kumatok sa pintuan ng bahay ng binata.
“Tok! Tok! Tok!”
“Sino kaya ang dadalaw sa akin? Gabing gabi na at umuulan pa ng nyebe?” sambit ng binata.

6.

Pagbukas niya ng pinto, ang nakatayo doon ay isang dalagang maputi at maganda.
“Paki-usap, gawin mo akong iyong asawa,” sambit ng dalaga sa binata.
“Anong sinasabi mo? Hindi ako makapaniwala na may nais mag-asawa sa isang mahirap katulad ko,” saad ng binata na gulat na gulat.
“Kahit na ikaw ay isang mahirap, hindi po magbabago ang aking pasya. Pakiusap, patuluyin mo ako,” sambit ng dalaga.

7.

Parang isang panaginip ang pakiramdam ng binata, at pinatuloy niya ang dalaga sa kanyang bahay.
Mula noon, nanirahan ang babae sa bahay ng lalaki, masaya ang pamumuhay nila bilang mag-asawa.

8.

Isang araw, sambit ng babae, “Maghahabi ako ng tela doon sa kubo. Habang ako ay gumagawa, huwag na huwag mong silipin ang loob ng kubo.”
“Oo, nangangako ako na hinding hindi ako sisilip sa iyong gagawin,” sagot ng lalaki.

9.

Tak! Tak! Tak! Tak!
Naririnig ng lalaki ang tunog ng paghahabi.
Lumipas ang tatlong araw.
“Heto na po ang aking hinabing tela,” saad ng babae.

10.

“Ay, giliw ko, nangayayat ka nang husto at hapong hapo ka na.
Ngunit napakaganda naman ng iyong hinabi. Dadalhin ko ito sa bayan upang ibenta.” Saad ng lalaki.

11.

Dahil napakaganda ng hinabi ng babae, maraming nais bumili nito.
Isa sa mga mamimili ay nakasuot ng mamahaling kimono.

12.

“Nais kong ihandog ito sa kamahalan. Pakiusap, ihabi nyo ako ng isa pang ganito. Babayaran ko kahit gaano man kataas ang halaga.” Sambit ng mamimili.

13.

Tuwang-tuwang umuwi ang lalaki sa kanyang bahay.
“Ang tela mong hinabi ay gagawin daw kimono para sa kamahalan. Nais nilang bumili ng isa pa.”

14.

“Isa pa? Sige masusunod. Ipangako mo ulit sa akin na hinding hindi ka sisilip sa loob ng kubo.”
Pakiusap ng babae.
At pumasok sa loob ng kubo ang babae.

15.

Gayun pa man, walang sigla ang tunog ng paghahabi.
Taa…kk taa…kk Taa…kk taa…kk
“Ano kaya ang nangyari?” Bakit walang sigla ang tunog ng paghahabi? Pag-alalang sambit ng lalaki.

16.

Sa lubhang pag-alala, hindi na niya matiis, at binuksan niya ang pintuan ng kubo.
Pagbukas ng pinto, ang nakita niya ay isang ibong tagak.

17.

Siya ay nagbubunot ng sariling balahibo, para gamitin sa paghahabi ng tela.
“Ah, ikaw!” gulat na saad ng lalaki.

18.

“Oo, ako nga. Ako ang ibong tagak na tinulungan mo noon. Mula noon, hinahangaan kita, dahil sa iyong kabaitan. Ngunit ngayong nakita mo na ang tunay kong anyo, hindi na ako maaaring manatili sa tabi mo. Paalam na sa iyo.”
Malungkot na paalam ng ibong tagak.

19.

Pagkatapos, ang ibong tagak ay lumipad nang mataas, at siya’y umalis nang tuluyan.

20.

おくづけ 
「つるのよめさま」フィリピン語(ご) 
文(ぶん):浜(はま) なつ子(こ) 
絵(え):よこやま ようへい 
翻訳(ほんやく):Aiza Toyoshima、Etsuko Desembrana 
朗読(ろうどく):Liza Angeles  
音楽(おんがく):秋山(あきやま)裕和(ひろかず) 
企画(きかく):にほんごの会(かい)くれよん 
制作(せいさく):多言(たげん)語(ご)絵本(えほん)の会(かい)RAINBOW

21.

"Ang likhang ito o E-book ay protektado sa copyright at hindi maaaring baguhin o ibenta na walang pahintulot."