Isinulat ni Natsuko Hama
Iginuhit ni Youhei Yokoyama
Ang kuwentong ito ay nangyari noong unang panahon.
Nakapulot ng parang masarap na onigiri ang isang alimango.
Sa pagkakataong iyon, dumating ang isang unggoy.
"Nakapulot ako ng mas mainam diyan," sabi ng unggoy.
"Mas mainam pa rito?" tanong ng alimango.
"Buto ng kaki! Kapag itinanim mo ito, mamumunga ito ng mga prutas.
O ano? Magpalitan ba tayo ng onigiri mo at ng buto ng kaki ko?" tanong ng unggoy.
"Oo, sige," sagot ng alimango.
Nagpalitan ang alimango at ang unggoy ng kanilang onigiri at buto ng kaki.
Lumabas ang suloy mula sa buto ng kaki.
Hindi nagtagal, lumaki ang puno ng kaki. Namunga ng maraming matamis na kaki.
Masayang masaya ang alimango.
"Sige, mamimitas nga ako at kakain," sabi ng alimango.
Sa sandaling iyon, dumating ang unggoy.
"Ako ang aakyat sa puno, para pumitas ng mga kaki para sa iyo," sabi ng unggoy.
"Sige nga."
Ang unggoy ay magaling umakyat ng puno. Umakyat agad siya sa puno.
"Ang sarap! Ang tamis at ang lambot!" sabi ng unggoy.
"Oy unggoy. Hagisan mo naman ako ng isa!", sigaw ng alimango.
"Huh! Ito ang para sa iyo, berde at matigas na kaki!"
Inihagis ng unggoy ang matigas na kaki sa alimango.
Tumama ang kaki sa alimango, at napisa ito. Namatay ang alimango.
Dahil sa nangyari, lumabas ang maraming maliliit na alimango mula sa loob ng napisang katawan ng alimango.
Pumunta sa bahay ng unggoy ang mga batang alimango para ipaghiganti ang kanilang inang alimango.
"Mga batang alimango, saan kayo pupunta?" tanong ng kastanyas.
"Magandang hapon po, mamang kastanyas. Pupunta po kami sa bahay ng unggoy para maghiganti," sagot ng mga batang alimango.
"Sige, sasama ako, at tutulungan ko kayo," sabi ng kastanyas.
Pagkaraan ng ilang sandali,
"Mga batang alimango, saan kayo pupunta?" tanong ng tae ng baka.
"Magandang hapon po, mamang tae ng baka. Pupunta po kami sa bahay ng unggoy para maghiganti," sagot ng mga batang alimango.
"Sige, sasama ako, at tutulungan ko kayo," sabi ng tae ng baka.
Habang naglalakad sila,
"Mga batang alimango, saan kayo pupunta?" tanong ng gilingan.
"Magandang hapon po, mamang gilingan. Pupunta po kami sa bahay ng unggoy para maghiganti," sagot ng mga batang alimango.
"Sige, sasama ako, at tutulungan ko kayo," sabi ng gilingan.
Naging mga kasama ng mga batang alimango ang kastanyas, ang tae ng baka at ang gilingan.
Dumating na sila sa bahay ng unggoy.
Pero wala pa ang unggoy dahil nasa labas ito.
Hinintay nila ang pagbalik ng unggoy.
Pumasok ang kastanyas sa loob ng pugong.
Nagtago ang mga batang alimango sa loob ng batya na may lamang tubig.
Umupo ang tae ng baka sa may pintuan.
Umakyat ang gilingan sa itaas ng pintuan.
Nakarinig sila ng tunog. Dumating na ang unggoy.
"Ah, ang lamig lamig! Magpapainit nga ako ng apoy sa pugong," sabi ng unggoy.
"Pan!"
Ang kastanyas na nasa loob ng pugong na nainitan ay tumalon at dumikit sa puwit ng unggoy.
"Ang init!! Kailangan kong palamigin agad ang puwit ko!"
Tumalon ang unggoy sa loob ng batya na mayroong tubig.
"Kagat, kagat, kagat!"
Ang mga batang alimango na nagtago sa loob ng batya ay pinagkakagat nila ang unggoy nang sabay-sabay.
"Aray ko! Aray ko!"
Tumakbong palabas ang unggoy para tumakas.
"Shuuuuu!!"
Tamang tama, naapakan ng unggoy ang tae ng baka, nadulas siya at bumagsak.
"Ngayon na!"
Tumalon ang gilingan na nasa itaas ng pintuan patungo sa unggoy.
Nadaganan ang katawan ng unggoy. At dahil dito, nadurog ang unggoy.
おくづけ
「さるかに」フィリピン語
文:浜 なつ子
絵:よこやま ようへい
翻訳:山岡夏海、マリア・エラ・ナリタ
朗読:Melissa Borja
音楽:秋山裕和
企画:にほんごの会くれよん
制作:多言語絵本の会RAINBOW
"Ang likhang ito o E-book ay protektado sa copyright at hindi maaaring baguhin o ibenta na walang pahintulot."