Para hindi malimutan ang araw na iyon: Ika-9 ng Agosto, 1945
Inilikha ng Hokubu Yuri no Kai
Bakit Ginawa Itong Librong Pinamagatang “Atomic Bomb sa Nagasaki”
Dalawang minuto makalipas ang alas-11 ng umaga, ika-9 ng Agosto, taong 1945. Nasabugan ako ng Atomic Bomb nung ako’y nasa apat na kilometrong layo mula sa Ground Zero. Naglalaro kami noon sa isang malaking gusali na may mataas na kisame. Ito ay nakatayo sa harap ng air-raid shelter sa ibabaw ng isang bundok.
Nangyari ito noong ako ay 7 taong gulang at nasa Grade 2 pa lamang. Tag-init noon, at bakasyon kami sa eskwela.
Pauwi ako sa bahay noong hapon na iyon, nang bigla na lang lumiwanag ang araw na sobrang nakakasilaw, at sumigaw ang isang mama ng “Dapa!”
Naalaala ko ang mga ulap na patung-patong at nakababalisang itsura nito.
Lumipas ang mahabang panahon. Noong taong 2009, sa aking hindi inaasahan, madalas kong nakasalimuha ang mga grupong patuloy na nagkukuwento tungkol sa kanilang karanasan ng A-Bomb ng Nagasaki.
Hanggang, sumapit ang ika-11 ng Marso, 2011, nang naganap naman ang East Japan Great Earthquake.
Lubus-lubusang malakas ang lindol at tsunami noon. Ito’y isang pangyayaring nagaganap lamang sa loob ng isang libong taon. Kaya maraming kabayanan ang nasira, at napabalita sa telebisyon.
Nasira din ang Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant ng Tokyo Electric, at tumagas ang radiation. Tunay na nakamamangha ang mga pangyayari dahil hindi ito inaasahan.
Sabi nila ito ay hindi sukat-akalin na kailanman ay mangyayari, subalit natanto namin na huwag maging marahas sa kalikasan. Ito ang dahilan kung bakit ko napasyahang gumawa ng librong pinamagatang “Atomic Bomb sa Nagasaki” na yari sa tela.
- Si Yoshiko Sakai, Kinatawan ng Hokubu Yuri no Kai
Fat Man: Bomba Atomika sa Nagasaki (3.5m ang taas, 1.5m ang lapad, 4.5 toneladang bigat)
Dalawang minuto makalipas ang alas-11 ng umaga, noong ika-9 ng Agosto, taong 1945. Tatlong araw mula sa pagsabog ng bomba atomika sa Hiroshima, ang pangalawang bomba atomika ay hinulog sa Nagasaki ng isang B29 Bomber ng Amerika.
Ulap na parang Kabute
Ang bomba atomika ay inihulog mula sa 10,000 metro sa ibabaw ng Matsuyama-machi. Sumabog ito 500 metro ang taas mula sa lupa. Sa sandaling iyon, nagkaroon ng higanteng bola ng apoy o fireball. Ito ay may diyametro na 200 at 80 metro at 6000 hanggang 7000 degrees Centigrade na init. Naglabas din ito ng napakalakas na hangin, heat wave at radiation. Nagkaroon ng malaking ulap na mistulang higanteng kabute.
Dumilim ang kapaligiran. Ito ay dahil nakakubli ang buong paligid sa makapal na itim na ulap. Sa sandaling pagsabog, ang lahat ng masusunog ay nasunog: mga tao, Hapon man o dayuhan, kabayo, aso, pusa, ibon, insekto, bulaklak, damo o punong kahoy man. Lahat ng maaaring masunog ay nasunog. Napaka-init nito, at makikita kung gaano katindi ang init nito sa mga tisa ng bubong na bumula dahil ito’y kumulo at natunaw, o kaya sa mga batong umitim dahil sa pagkasunog.
Istasyon ng First Aid
Ito ang itsura ng Nameshi-machi sa hilaga ng Nagasaki City. Sa bandang gitna ng larawan, makikita sa ibabaw ng mesa ang isang pasyenteng inooperahan nang wala man lang anestisya. Sumisigaw siya at umiiyak. Hinahawakan siya para hindi makagalaw habang inoopera. Ang mga iba ay naluto ang mga balat dahil sa heat wave, at ang mga iba naman ay duguan ang katawan dahil sila ay natusok ng mga bubog ng mga bintanang nabasag dahil sa hangin ng pagsabog. Parang naging isang impyerno sa ibabaw ng lupa ang lugar na ito. Walang sinuman ang nakaranas ng katulad nito. Kahit sino pa man.
Dasal
Araw-araw dumarami ang bilang ng mga patay. Araw-araw may bangkay na sinusunog sa bakanteng lote. May mga nililibing ng mga pamilya; may mga nagsusunog ng pinakahuli niyang kasama. May mga bangkay din na wala man lang kumukuha o umaangkin. Sa takip-silim ng isang mainit na araw, makikita ang mga katawan ng mga magagandang batang babaeng nilagyan ng make-up at sinuutan ng kimono, bago sila i-cremate.
Pagpapatayo ng Katedral ng Urakami
Natapos ang pagpapatayo ng Katedral ng Urakami noong 1925.
Ipinagbawal ang pagiging Kristyano sa Japan nang dalawang daan at limampung taon or 250 years. Tiniis ng mga Kristyanong naniniwala sa pag-ibig ng Dyos ang pag-uusig sa napaka-habang panahon. Mahigit pa sa 30 taon silang nagpatung-patong ng mga bato o bricks para mabuo itong Katedral. Sa mataas na tore ikinabit ang dalawang kampanang Angelus na galing sa Pransiya. Ito ay itinawag na pinakamagandang katedral sa buong Asya.
Ang Pagsira ng Katedral ng Urakami
Noong ika-9 ng Agosto, 11:02 ng umaga, dahil ang Katedral ng Urakami ay nasa limang daang metro o 500 meters mula sa ground-zero ng Atomic Bomb, nasunog at nasira ito dahil sa malakas na hangin ng pagsabog at sa heat wave. Kasama sa sunog at sira ang dalawang tore na may kampana na 50 tonelada. Kasama rin ang mga taong nagdarasal sa sandaling yuon, sa loob ng Katedral.
May mga labindalawang libo o 12,000 na mananampalataya ang naninirahan doon. Ang sabi nila mga walong libo’t limang daan o 8,500 doon ang mga namatay sa pagsabog.
Ang Nino Torii (o Pangalawang Torii) at Ang Malaking Puno ng Alkampor
Nasa walong daang metro o 800 meters mula sa ground-zero ang Torii Gate. Ang haligi nito na mas malapit sa ground-zero ay natumba sa sobrang lakas ng hangin dahil sa pagsabog, habang ang isang haligi ay naiwang nakatayo. Dahil sa lakas ng presyon ng hangin, ang mabigat na bato sa dakong itaas ng gate ay gumalaw nang 5 centimetro. Ang mga pangalan na nakasulat dati sa haligi ng Torii ay hindi na nababasa dahil ang mga ito ay nasunog, o bahagyang natunaw.
Ang dalawang puno ng alkampor na nakatayo sa entrada ng Sanno Shrine ay mahigit na 500 taong gulang na. Ito ay mahigit sa 20 metro ang taas, at 5 hanggang 8 metro ang sirkumperensiya. Natanggal ang mga sanga at dahon nito dahil sa A-bomb. Ang nasunog na puno ay nahiwa sa gitna, kaya mukhang mahirap na itong mabuhay na muli. Ngunit pagdating ng Oktubre, nagkaroon ito ng bagong sibol kaya nabigyan ng pag-asa at kalakasan ng loob ang mga taong magpatuloy sa kanilang pamumuhay, at mag-ayos muli o restore ng kanilang lugar.
Ang Statwa ng Kapayapaan
Ang statwa na ito ang nagpapakita ng pagmamahal ng Diyos at ng awa ni Buddha. Ang nakataas niyang kanang kamay ay kumakatawan sa banta ng armas na nuclear; habang ang kanyang kaliwang kamay na pahalang ay kumakatawan sa kapayapaan. Ang kanyang nakasarang mata ay pagdarasal para sa mapayapang pagpapahinga ng mga biktima. Tayo ay mangako nang mataimtim para hindi maulit ang gayong pagkakamali. Nawa’y magkaroon tayo ng mapayapang mundo na walang armas nuklear.
おくづけ
布のえほん「長崎の原爆」フィリピン語
作:北部ゆりの会
翻訳:Etsuko Desembrana at Richelle Ligot
朗読:Richelle Ligot
音楽:秋山裕和
企画:にほんごの会くれよん
制作:多言語絵本の会RAINBOW
"Ang likhang ito o E-book ay protektado sa copyright at hindi maaaring baguhin o ibenta na walang pahintulot."