Nilikha ni: Natsuko Hama
Isinalarawan ni: Yohei Yokoyama
Noong unang panahon, may mag-asawang matanda.
“Bagong taon na bukas. Subalit wala man lang tayong kakanin sa bahay.”
“Oo nga.”
“Magbenta tayo ng kung anu-ano para magkaroon tayo pambili ng kakanin.”
“Sige, gumawa tayo ng salakot gamit itong dayami at ibebenta ko sa bayan.”
Ang mag-asawa ay masigasig na gumawa ng salakot kaya’t nakabuo sila ng limang piraso.
Lumuwas sa bayan ang lolo, at dala niya ang kanyang panindang mga salakot.
“Eeey, salakot, salakot, bili na kayo ng salakot!” Pero wala siyang nabenta kahit isa.
“Haay, umuulan na ng nyebe. Hindi na bale, uuwi na lang ako.”
Habang siya’y naglalakad pauwi, lalong lumalakas ang pag-bagsak ng nyebe.
At may na-aninag siyang mga hugis sa malayo.
“Ha?! Ano iyon? Parang may mga tao sa banda doon.”
Paglapit ng lolo, ang kanyang nakita na parang mga taong nakatayo, ay anim na rebulto ng Jizo o maliliit na buddha.
“Mga Ginoong Jizo, giniginaw siguro kayo at nakukumutan na kayo ng nyebe.
Heto, gamitin po ninyo ang mga salakot ko.”
At ang mga salakot na hindi niya nabenta ay isa-isang isinuot ng lolo sa mga Jizo.
“Hala, lima lang ang salakot kong paninda, subalit anim naman ang Jizo. Kulang ng isa. Heto, gamitin 'nyo na lang ang akin.”
Tinanggal ng lolo ang suot niyang salakot at ibinigay sa ika-anim na Jizo.
Nakauwi sa kanilang bahay ang matanda. At ikinuwento niya ang nangyari.
“Nakita ko ang mga Jizo na mukhang giniginaw. Naawa ako sa kanila, kaya’t binigyan ko silang lahat ng salakot.”
“Mabuti ang ginawa mo. Natuwa siguro ang mga Jizo sa ginawa mo,” saad naman ng asawa niya.
Kinagabihan, habang namamahinga ang mag-asawang matanda, may narinig silang mga tinig na umaawit sa malayo at palapit nang palapit sa bahay nila.
“Saan naroon ang mabait na lolo? Saan naroon ang kanyang tahanan? Anim na Jizo sa tabi ng daan, Anim na salakot, kami’y binigyan.”
Tumigil ang pagkanta sa harap ng bahay ng mag-asawa.
May kumaluskos at sumunod naman ang malakas na tunog na parang may ibinagsak.
“Lola, Tingnan mo ito! May nag-iwan ng napaka-raming pagkain sa harap ng bahay natin: bigas, isda at iba pa!”
“Ay, oo nga! Ano kaya ang nangyari at saan naman galing iyan?”
Nakita nila ang anim na Jizo na papaalis.
Sila ang nagdala ng mga ito bilang gantimpala sa kabaitan ng matanda.
Nagpasalamat ang mag-asawang matanda sa mga Jizo.
At pagkatapos, silang dalawa ay nagpatuloy na nanirahan nang masaya’t matiwasay.
おくづけ
「かさじぞう」フィリピン語
文:浜 なつ子
絵:よこやま ようへい
翻訳:Etsuko Desembrana
朗読:Liza Angeles
音楽:秋山裕和
企画:にほんごの会くれよん
制作:多言語絵本の会RAINBOW
"Ang likhang ito o E-book ay protektado sa copyright at hindi maaaring baguhin o ibenta na walang pahintulot."