Isinulat ni : Niimi Nankichi
1
Ito ay isang kuwento na narinig ko noong maliit pa ako, mula sa isang tao na ang pangalan ay Mohei na nakatira sa baryo.
Noong unang panahon, malapit sa baryo namin, sa isang maliit na kastilyo sa lugar ng Nakayama, may isang pyudal lord na nakatira.
Hindi rin masyadong kalayuan mula sa Nakayama, may isang bundok na may nakatirang isang batang "kitsune". Ang pangalan ng batang kitsune ay Gon.
Si Gon ay isang batang kitsune na nakatira sa isang butas na siya mismo ang naghukay sa loob ng gubat na malago sa pako.
Araw at gabi ay pumunta si Gon sa baryo, para gumawa ng kapilyuhan.
Pumasok siya sa mga parang para hukayin ang mga tanim na patatas ng mga magsasaka, sunugin ang mga tuyong labi ng ubas, kunin ang mga pamintang nakasampay sa likod ng bahay ng mga magsasaka, at iba pang panggugulo sa mga tao sa baryo.
Isang tag-lagas iyon, umulan ng tatlong araw kaya hindi nakalabas si Gon mula sa tirahan niyang butas. Nakayukyok na lang siya sa loob nito.
Nang tumila ang ulan, hinalinhan si Gon, at lumabas siya sa butas.
Gumanda ang panahon. Mula sa itaas, ang boses ng ibong "mozu" ay tumataginting.
Pumunta si Gon hanggang sa may sapa ng baryo.
Kumislap-kislap pa ang hamog ng ulan sa mga damong pampas.
Sa tuwina, kaunti lang talaga ang tubig ng ilog pero dahil sa tatlong araw na pag-ulan bigla itong dumami.
Ang mga damong pampas at "bush clover" na karaniwan ay hindi nababad sa tubig, ay nagkagusot-gusot at nagsitaoban sa maputik na tubig.
Si Gon ay naglakad sa maputik na daan hangang sa ibaba ng agos.
Bigla na lang, may nakita siyang isang lalaki na parang may ginagawa sa gitna ng ilog.
Para hindi siya makita, dahan-dahan siyang lumapit at nagkubli sa ilalim ng mga damo, at tumingin mula roon.
Sa palagay ni Gon, "Si Hyoju yata ito."
Inilis paitaas ni Hyoju ang gulanit niyang kimono at lumubog sa ilog hanggang sa kanyang balakang. Inalog niya ang lambat ng isda na tinawag na "harikiri."
Sa naka-Japanese headband niyang mukha, dumikit ang isang dahon ng "bush clover" na tulad ng isang malaking nunal.
Pagkatapos ng ilang sandali, inangat ni Hyoju mula sa tubig ang bahaging likod ng "harikiri" na parang supot.
Sa loob nito ay maraming damo at dahon, at saka mga baling sanga.
Pero nahalo sa mga ito ang mga puting bagay na nagkislap-kislapan.
Ang mga ito ay tiyan ng matatabang isdang igat at ng isdang asuhos.
Inilagay ni Hyoju ang mga isda kasama ang mga basura sa loob ng isang basket.
Pagkatapos, tinalian niya ulit ang bukas na bahagi ng supot at ibinabad ulit sa tubig.
Bitbit ang basket, umahon sa tubig si Hyoju. Inilagay niya ang basket sa tabi ng ilog, at tumakbo siya sa patungo itaas na bahagi ng agos na parang may hinanap.
Nang wala na si Hyoju. Lumabas si Gon mula sa damo. Tumakbo agad siya patungo sa kinalagyan ng basket.
Nakaisip na naman ng kapilyuhan si Gon.
Sinaklot ni Gon ang mga isda mula sa basket, at inihagis niya ang mga ito patungo sa ibabaw ng "harikiri. "
Tumilamsik ang mga isda sa maputik na ilog.
Patuloy sa paghagis ng mga isda pabalik sa ilog si Gon hanggang isa na lang ang natira.
Hindi niya ito nakuha sa pamamagitan ng kanyang kamay, kaya ipinasok ni Gon ang kanyang ulo sa loob ng basket, at hinawakan ang isdang igat sa pamamagitan ng kanyang bibig.
Ngunit pumulupot naman ito sa kanyang leeg.
Sa sandaling iyon, bumalik na si Hyoju at sinigawan si Gon ng, "Magnanakaw!"
Sa sobrang gulat ni Gon, ipinagpag niya ang isdang igat ngunit hindi ito bumitaw sa kapulupot sa kanyang leeg.
Gayunpaman, sinikap pa rin ni Gon na makatakas.
Nakarating si Gon sa ilalim ng puno na malapit sa butas na tinirhan niya.
Lumingon siya para tingnan kung sinundan ba siya ni Hyoju pero hindi niya ito nakita. Nakapulupot pa rin ang igat sa leeg ni Gon kung kaya't nginuya niya ang ulo nito.
Sa wakas, naalis din ang igat. Inilagay ni Gon ang isdang igat sa ibabaw ng damo na nasa labas ng tirahan niyang butas.
2
Pagdaan ng mga 10 araw, nang dumaan si Gon sa likod ng bahay ni Yasuke na isa ring magsasaka, akita ni Gon ang asawa ni Yasuke na kinulayan ng itim ang kanyang mga ngipin sa ilalim ng puno ng igos.
Nang dumaan naman si Gon sa likod ng bahay ni Shinbei na isang panday, nakita niya na nagsuklay ng buhok ang asawa nito.
Naisip ni Gon na "baka may pangyayari sa loob ng baryo."
"Ano kaya iyon…piesta ng tag-lagas? Kung ganoon, siguradong may mga tunog ng tambol o plauta na maririnig." sa isip ni Gon.
"Dagdag diyan, may isang bandila na ilalagay sa harap ng shrine."
Habang inisip ni Gon ang mga bagay na iyon, bago niya nalaman, dumating na pala siya sa bahay ni Hyoju na may pulang balon sa harap.
Maraming tao sa loob ng maliitna sira-sirang bahay ni Hyoju.
Ang mga babaing naka-kimono at nagkabit ng mga bimpo sa baywang nila ay nagsindi ng apoy sa kusinang nasa labas.
Sa loob ng malaking palayok, may pinakuluan sila.
"Ah, parang may libing," sa isip ni Gon.
"Sino kaya ang namatay sa pamilya ni Hyoju?"
Sa bandang hapon, pumunta si Gon sa sementeryo ng baryo, at nagtago siya sa likod ng isang rebulto ng Rokujizo.
Maganda ang panahon, at nagningning mula sa malayo ang baldosang bubong ng kastilyo.
Sa sementeryo, ang mga bulaklak ng amarilis ay patuloy na namukadkad na parang isang mahabang tela na kulay pula.
Bigla na lang, narinig ni Gon ang tunog ng kampana mula sa baryo. Iyon ay senyas pala ng pag-alis papunta sa sementeryo.
Hindi nagtagal, nakita ni Gon na nagsidatingan ang mga taong nagsuot ng puting kimono. Narinig din ni Gon ang mga boses nila. Tapos pumasok ang prusisyon ng nagsipaglibingan sa sementeryo.
Nasira ang mga bulaklak ng amarilis pagkatapos daanan ng mga tao.
Pinagmasdang ng mabuti ni Gon ang mga tao.
Si Hyoju ay nagsuot ng "kamishimo." Ang "kamishimo" ay isang puting pangsuot kapag may libing. Hawak niya ang tabletang panlibing.
Sa tuwina, ang mukha ni Hyoju ay masigla at malusog na parang isang pulang kamote, ngunit ngayon ito ay talagang malungkot.
"Hum,,,ang nanay pala ni Hyoju ang namatay."
Habang ganoon ang inisip ni Gon, umurong siya at umalis.
Sa gabing iyon, nag-isip si Gon sa loob ng kanyang butas.
"Sa palagay ko, nagkasakit ang nanay ni Hyoju, at gusto niyang kumain ng isdang igat.
Kaya pala, inilabas ni Hyoju ang "harikiri" na panghuli ng isda, kasi gusto niyang manghuli ng isdang igat. Pero dahil sa kapiliyuhan, ninakaw ko ang isdang igat.
Kung kaya, hindi nagawang pakainin ni Hyoju ang nanay niya ng isdang igat. At sigradong namatay siya na hindi natupad ang nais niya na kumain ng isdang igat.
Oh,,,nagsisisi ako. Sana hindi ko ginawa ang kapilyuhang iyon."
3
Naghugas ng trigo si Hyoju sa may pulang balon.
Namuhay si Hyoju at ang kanyang nanay na puro kahirapan. Nang namatay ang nanay niya, nag-isa na lang si Hyoju.
"Ngayon, magkatulad na kami," sabi pa ni Gon sa sarili.
Nakasilip si Gon mula sa likod ng bodega.
Nang paalis na si Gon mula sa bodega, mula sa kung saan nakarinig siya ng boses ng isang tindero ng isda.
"Isda, isda, isda kayo diyan, murang isda," sigaw ng tindero sa kaaya-ayang boses.
Tumakbo si Gon patungo sa kinaroonan ng malakas na boses. Mula sa likuran, sa may pintuan ng kusina, lumabas ang asawa ni Yasuke, at sinabi na, "pabili ng isda."
Inihinto ng tindero ng isda ang kanyang kariton sa tabi ng daan. Sa pamamagitan ng dalawang kamay, kumuha siya ng nagkintabang isda at dala ang mga ito, pumasok siya sa loob ng bahay ni Yasuke.
Nang sandaling iyon, bilisang dumaklot ng mga lima o anim na isda si Gon at tumakbo siya pabalik sa kanyang pinanggalingan.
Mula sa likod ng bahay ni Hyoju, inihagis lahat ni Gon ang mga isda sa loob nito. At pagkatapos, umalis siya at bumalik sa butas na tinirhan niya.
Habang paakyat si Gon patungo sa kanyang tirahan, lumingon siya sa ibaba at nakita niya si Hyoju na naghugas pa rin ng trigo sa may balon.
Sa palagay ni Gon, nakagawa siya ng isang magandang bagay para maipakita niya ang kanyang pagsisisi tungkol sa kamatayan ng nanay ni Hyoju.
Kinabukasan, pumunta si Gon sa bundok para mamulot ng maraming kastanyas. Dala ang mga kastanyas pumunta siya sa bahay ni Hyoju.
Mula sa likuran, nakita ni Gong si Hyoju na nasa kalagitnaan ng kanyang tanghalian. Nakatunganga si Hyoju habang hawak ang mangkok ng kanin.
Nakita ni Gon na may sugat si Hyoju sa pisngi nito, at nagtaka siya kung bakit.
"Ano kaya ang nagyari?" tanong ni Gon sa sarili. Biglang narinig ni Gon si Hyoju na nagsalitang mag-isa.
"Sino kaya ang naghagis ng isda sa loob ng bahay ko?" "Inaakala tuloy ng tinderong isda na magnanakaw ako. Kaya niya ako binugbog." Pabulong na salita ni Hyoju.
"Kawawa naman" sabi ni Gon. "Dahil sa akin, binugbog siya ng tindero ng isda hanggang nasugatan siya."
Habang inisip ni Gon ang mga nangyari, umikot siya papunta sa may pintuan ng bodega, at inilagay niya doon ang mga kastanyas, at pagkatapos umuwi na siya.
Sa mga sumunod na dalawang araw, ganoon pa rin ang ginawa ni Gon. Namulot siya ulit ng mga kastanyas para dalhin sa bahay ni Hyoju.
Pagkatapos, sa sumunod na araw naman, hindi lang mga kastanyas, kundi mga dalawa o tatlong kabute ang dinala ni Gon.
4
Isang gabi iyon na maganda ang buwan. Lumabas si Gon para mamasyal.
Dumaan si Gon sa tapat ng kastilyo ng Nakayama. Paikod siya sa likod nito, narinig niya mula sa kabila ng isang masikip na daan na may mga taong nag-usap.
Sa malapit, nagsiyapan ang mga kuliglig.
Nagtago si Gon sa tabi ng daan, at hindi gumawa ng anumang kilos.
Palapit ng palapit ang mga boses. Ang mga nag-usap ay sina Hyoju at Kasuke na isa ring magsasaka.
"Oo, ganoon nga Kasuke." sabi ni Hyoju.
"Ang alin?"
"Alam mo, kasalukuyan, may mga nakapagtatakang bagay na nangyayari sa akin?"
"Ano nga ba iyan?"
"Mula nang namatay si inai, hindi ko alam kung sino, pero araw-araw may nagdadala sa akin ng mga kastanyas o kaya'y mga kabute."
"Hum…sino naman kaya?"
"Sa totoo, hindi ko nga alam. Ilalagay lang nang hindi ko napansin."
Sinundan ni Gon ang dalawang lalaki.
"Totoo ba iyan?"
"Totoo nga. Kung ayaw mong maniwala, bukas pumunta ka sa bahay ko at ipapakita ko sa iyo ang mga kastanyas."
"Hum…may mga bagay na talagang nakatakataka."
Pagkatapos niyan, naglakad na sila nang walang imikan.
Bigla na lang, lumingon si Kasuke sa likod.
Sa gulat ni Gon, napayukot siya at huminto.
Pero, hindi napansin ni Kasuke si Gon, at patuloy silang naglakad.
Nang dumating sila sa bahay ni Kichibei na isa ring magsasaka, pumasok ang dalawa sa bahay nito.
Mula sa bahay, narinig ni Gon ang mga tunog ng "mokugyo." Pon-pon-pon.
May ilaw sa bintana at naaninag ni Gon ang isang malaking kalbong ulo.
Sa palagay ni Gon. "May onenbutsu siguro." Yumukyok si Gon sa tabi ng balon at nanatili doon.
Pagkaraan ng ilang sandali, ibang grupo naman ng tatlong tao ang pumasok sa bahay ni Kichibei.
At narinig ni Gon na inawit nila ang sutra.
5
Hanggang sa natapos ang onenbutsu, nanatili si Gon sa tabi ng balon.
Si Hyoju at Kasuke ay bumalik sa bahay nila na magkasama ulit.
Sinundan sila ni Gon para makinig sa kanilang pinag-usapan.
Paapak-apak na sinundan ni Gon ang anino ni Hyoju.
Hanggang sa nakarating sila sa harap ng kastilyo, biglang nagsalita si Kasuke.
"Hay, Hyoju, tungkol sa pinag-usapan natin kanina, siguradong gawa ng Diyos iyon!"
"Ano?" sa sobrang gulat ni Hyoju, tumingin siya sa mukha ni Kasuke.
"Matagal ko nang iniisip ang tungkol sa sinabi mo. Sa palagay ko rin, hindi ito gawa ng tao, ito ay gawa ng Diyos.
Naawa ang Diyos sa iyo dahil nag-iisa ka na lang, kaya binibigyan ka Niya ng maraming biyaya." "Ganoon nga ba kaya?"
"Ganoon nga. Kaya araw-araw dapat magpasalamat ka sa Diyos."
"Oo."
Dahil sa narinig, inisip ni Gon na nakawalang gana naman si Hyoju.
"Ako ang nagbigay ng mga kastanyas at kabute, bakit hindi siya sa akin magpasalamat. Kung sa Diyos siya magpasalamat. Hindi iyan makatuwiran."
6
Kinabukasan niyan, may dalang kastanyas, pumunta uli si Gon sa bahay ni Hyoju.
Gumawa si Hyoju ng lubid sa bodega.
Kaya pumasok si Gon nang palihim mula sa likuran ng bahay.
Tamang-tama sa sandaling iyon, hindi sinadya nag-angat ng mukha si Hyoju.
Doon niya nalaman ang pagpasok ng isang "kitsune" sa bahay niya.
Naalaala ni Hyoju ang kitsune ng nagnakaw ng nakuha niyang isda sa ilog, sa isip niya, dumating na naman ito para gumawa ng kapilyuhan.
"Okay..."
Tumayo si Hyoju at kinuha ang baril na nakakabit sa dingding, at nilagyan niya ito ng pulbora. Pagkatapos, lumapit si Hyoju nang walang ingay sa may pintuan.
Paglabas ni Gon, "Bang" binaril niya ito.
Natumba si Gon sa sahig.
Agad na sumugod si Hyoju kay Gon.
Nang tingnan ni Hyoju ang loob ng bahay, nakita niya sa kusina ang tumpok ng mga kastanyas. "Oh!" nagulat si Hyoju nang nakita niya si Gon.
"Gon! Ikaw ba'yan laging nagbibigay ng kastanyas sa akin?" tanong ni Hyoju.
Pikit ang mata, mahinang tumango si Gon.
Nabitiwan ni Hyoju ang baril. At mula sa busal nito, lumabas ang asul na usok.
おくづけ
「ごんぎつね」フィリピン語
作:新美南吉
絵:画工舎、浦田真理子
翻訳:山岡夏海、マリア・エラ・ナリタ
朗読:Melissa Borja
音楽:秋山裕和
企画:にほんごの会くれよん
制作:多言語絵本の会RAINBOW
協力:公益財団法人日本障害者リハビリテーション協会
"Ang likhang ito o E-book ay protektado sa copyright at hindi maaaring baguhin o ibenta na walang pahintulot."